NANAWAGAN si House Deputy Speaker Pia Cayetano sa sa mga ina na ibalik ang kanilang tiwala sa mga bakunang subok nang nakapipigil sa mga sakit tulad ng tigdas, polio, chicken pox at iba pa.
Sumentro ang panawagan niya sa mga nanay at sa lahat ng dumalo sa unang campaign caravan ng Hugpong ng Pagbabago ( HNP) sa Pampanga tungkol sa seryosong problema ng measles outbreak sa ilang rehiyon ng bansa, kasama na ang Central Luzon.
Nanindigan si Cayetano na sa kanyang araw-araw na pag-iikot sa iba’t ibang bahagi ng Filipinas, patuloy siyang mananawagan at makikiusap sa mga nanay na ibalik ang kanilang tiwala sa bakuna dahil ayaw niyang may isa pang ina na mawalan ng anak.
“Malapit ‘yan (immunization) sa puso ko dahil ho ako ‘yung may-akda ng Mandatory Immunization, isa sa unang batas ko noong ako ho’y pumasok sa Senado,” panimula ni Cayetano, ang pangunahing may-akda ng Mandatory Infants and Children Immunization Act (Republic Act 10152).
Hinimok niya ang mga ina na pabakunahan ang kanilang mga anak upang mailigtas sila sa mga mas seryosong komplikasyon ng sakit.
“Kapag ang mga anak natin, hindi natin pinabakunahan, ‘yan ho ang pinakanakatatakot,” dagdag ni Cayetano.
Sa kanyang talumpati, naikuwento niya ang kanyang personal na karanasan, namatayan siya ng anak dahil ipinanganak itong maraming kapansanan.
“Dinadasal ko, sana may bakuna para sa sakit ng anak ko, nang hindi siya nagkaganoon,” paggunita ni Cayetano sa naging karanasan niya bilang ina.
“Nawalan ako ng anak, hindi ko kagagawan, ‘yun na talaga ang tadhana namin. Pero ‘yung hindi lang nabakunahan, maiiwasan po ‘yun,” paalala niya sa mga inang patuloy na nagdududa sa kahalagahan ng bakuna.
Nagsilbi si Pia Cayetano nang 12 taon bilang senador mula 2004-2016 at tatlong taon bilang kinatawan ng Pangalawang Distrito ng Taguig, mula 2016 hanggang kasalukuyan.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap