SINIBAK sa puwesto ni National Capital Regional Police Office (NCRPO) Director Guillermo Eleazar ang limang pulis kabilang ang kanilang commander matapos payohan ang mga magulang ng tatlong estudyante na minolestiya ng isang Chinese national na ayusin umano ang kaso sa Pasay City.
Inalis sa puwesto ang commander ng Police Community Precinct (PCP-1) ng Pasay City Police na si Chief Insp. Remedios Terte, mga tauhan na sina SPO3 Timothy Mengote, SPO2 Jonathan Bayot, POs3 Archie Rodriguez at Ranier Dumanacal.
Napag-alaman nitong Huwebes (7 Pebrero ), dakong 11:00 pm, inaresto ng limang pulis ang suspek na si Zhang Yang, 19 anyos, pansamantalang nanunuluyan sa Antel Tower sa Pasay City, sa amusement park, sa nabanggit na lungsod.
Nauna rito nakatanggap ng reklamo kaugnay sa sinabing pangmomolestiya sa tatlong estudyante na edad 18 anyos sa nabanggit na amusement park.
Nang dalhin ang suspek sa presinto (PCP-1), pinayuhan umano ang mga ina ng mga biktima, na ayusin na lamang ng mga suspek.
Pero hindi pumayag ang mga biktima at mga magulang nila at tuluyang sinampahan ng kasong Acts of Lasciviousness ang dayuhan sa Pasay City Prosecutor’s Office.
Nagreklamo ang magulang ng mga biktima sa tanggapan ni Eleazar ukol sa naging payo sa kanila ng mga pulis.
Agad na sinibak ng NCRPO Chief ang limang pulis-Pasay kabilang ang kanilang commander.
(JAJA GARCIA)