IKINALUNGKOT ni dating Senate President Juan Ponce Enrile ang pagpanaw ng kanyang kapatid, ang batikang aktres at mang-aawit na si Armida Siguion-Reyna, na sumakabilang-buhay noong Lunes sa edad 88 anyos.
Sa kabila nito, ginunita ni Enrile ang nagawang paglilingkod ng kanyang half-sister sa bayan sa larangan ng sining.
“My entire family, my sisters and brothers, my nephews and nieces, their children and husbands, and grandchildren are all sad in announcing to the Filipino nation that my sister who has served the country in her capacity as an entertainer and a singer has passed away,” sinabi ni Enrile sa isang panayam.
“She is a big loss to us,” aniya.
Ang dating Senate President, na magdiriwang ng kanyang ika-95 karaawan sa darating na February 14, at si Siguion-Reyna ay parehong anak ng abogadong Spanish-mestizo na si Alfonso Ponce Enrile.
Si Siguion-Reyna ay anak ni Purita Liwanag, isang soprano, habang si Enrile naman ay anak ni Petra Furagganan mula sa pamilya ng mga mangingisda sa Cagayan.
“I remember her most for being a very nice sister to me. I was very close to her. I used to escort her whenever she was out on a date when she was a teenager,” kuwento ni Enrile.
Ayon kay Enrile, hinahangaan niya ang kanyang kapatid dahil sa ambag nito sa iba’t ibang larangan ng sining bilang mang-aawit, aktres, producer, at iba pa.
“She’s a trained singer like my sister Irma. They embraced that as their career. I’m quite happy and very proud that they made a name in that field,” sabi ng beteranong mambabatas.
Si Irma Potenciano ay anak din ni Liwanag at, tulad ng kanyang ina at kapatid, ay naging kilalang mang-aawit.
“She was famous for propagating Filipino songs through Aawitan Kita,” binanggit ni Enrile.
Nakilala si Siguion-Reyna sa sikat na palabas na pinamagatang “Aawitan Kita” na lampas tatlong dekadang pinanood ng mga Filipino sa telebisyon. Tampok sa nasabing palabas ang mga orihinal na tugtuging Pinoy, mga kantang kundiman, mga sikat na himig noong panahong iyon at iba pa.
“I’m sure the Filipino people will remember her for what she was,” ani Enrile.
Hanggang sa kasalukuyan, tinitingala si Siguion-Reyna dahil sa “Aawitan Kita” at ang kanyang iba pang nilikhang himig. Naging aktres din siya sa ilang kilalang mga pelikula, at nagsilbing producer sa ibang mga matagumpay na palabas.
Sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Joseph Estrada, nagsilbi siyang chairman ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB).
Ang memorial service para kay Siguion-Reyna ay gaganapin sa Heritage Memorial Park sa Lungsod ng Taguig mula 12 hanggang 15 Pebrero. (JAJA GARCIA)