KASADO na ang pagpapatupad ng mahigpit na seguridad sa pagsisimula ng kampanya ng mga kandidato na tatakbo sa halalan ngayong Martes 12 Pebrero 2019 , ito ang inihayag ng National Capital Region Police Office (NCRPO) kahapon.
Sinabi ni NCRPO Chief Director Guillermo Eleazar, wala silang naitalang election hotspot sa Metro Manila pero hindi dapat maging kampante ang pulisya sa pagbabantay sa mga lugar na kanilang nasasakupan.
Ayon sa NCRPO chief, kailangan segurohin na magiging maayos at mapayapa ang darating na midterm elections sa buwan ng Mayo ngayong taon.
Bagama’t may mga pangyayaring patayan sa ilang lugar sa Metro Manila ngunit isolated cases umano ang mga insidente.
Kabilang din sa kanilang tutukan ang araw ng mga puso sa 14 Pebrero na inaasahang dadagsain ng mga kababayan na magtutungo sa mga mall at mga pasyalan.
Nanawagan muli ang NCRPO sa publiko na manatiling mapagmatyag at makipagtulungan sa mga awtoridad kung may mga kahina-hinalang kilos ng mga indibiduwal o bagay na kaduda-duda at agad ipaalam sa mga pulis upang maiwasan ang anumang karahasan.
(JAJA GARCIA)