BUKAS ang Palasyo sa P300-M intelligence fund na ayuda ng Amerika sa Filipinas.
Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, patunay ito na malakas pa rin ang military alliance ng dalawang bansa.
Sinabi ni Panelo na pandaigdigang suliranin ang terorismo na walang kinikilalang teritoryo, politika, relihiyon at paniniwala kaya kailangan ng tulong at kooperasyon ng bawat UN member country para labanan ito.
Tiniyak ni Panelo, lalo pang palalakasin ng pamahalaan ang hakbangin upang matiyak ang kaligtasan ng mga mamamayan.
Aniya, nanawagan ang Palasyo sa lahat na maging mapagmatyag at ipabatid sa mga awtoridad ang anomang kahina-hinalang kilos ng sinomang indibidwal o grupo na posibleng maghatid ng panganib sa mga inosenteng sibilyan.
(ROSE NOVENARIO)