INILIPAT na kahapon sa Parañaque City jail ang dating vice mayor ng Marilao, Bulacan makaraan makakuha ng commitment order ang Bulacan Provincial Police Office sa Parañaque Regional Trial Court (RTC).
Dakong 11:00 am, nang mailipat sa Parañaque City Jail (PCJ) ang dating bise alkalde na si Andre Santos at naging emosyonal ang paghahatid sa kanya ng pamilya.
Nangangamba ang pamilya ni Santos na itumba ng mga kapwa niya preso ag dating vice mayor.
Naglabas ng kautusan kahapon si Parañaque RTC Judge Aida Estrella Macapagal-Fojas ng Branch 195 ng commitment order laban kay Santos na ilipat sa Parañaque City jail.
Matatandaan, 7 Disyembre 2018 nagkulong nang ilang oras si Santos sa kanilang bahay nang silbihan ng warrant of arrest ng PNP Bulacan dahi, sa kasong qualified theft na isinampa ni Atong Ang sa Parañaque RTC dahil sa kanyang pagkakautang.
Huhulihin sana si Santos ng mga pulis pero tumakbo sa kanyang bahay at nagkulong hawak ang granada at baril.
Pero wala rin nagawa kaya sumuko sa mga awtoridad kinabukasan matapos siyang magkulong nang mahigit sa 20 oras sa sariling bahay sa Bulacan.
Inihatid siya ng kanyang pamilya sa Parañaque City jail mula sa Marilao Bulacan.
Binigyang-diin ni Santos, wala siyang pagkakautang kay Ang kundi natalo lamang umano siya sa Casino.
Bantay sarado sa mga tauhan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) si Santos habang siya ay nakakulong. (JAJA GARCIA)