TINANGGAL sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang kontrol sa Philippine Reclamation Authority (PRA) at inalis din sa kapangyarihan ng National Economic Development Authority (NEDA) ang pag-aproba sa reclamation projects.
Inilipat sa kapangyarihan ng Pangulo ng Filipinas ang kontrol at pamamahala sa PRA maging ang pagbibigay ng ‘go signal’ sa reclamation projects, batay sa Executive Order No. 74 na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte.
“There is a need to rationalize the approval process for reclamation projects towards an economically and environmentally sustainable resource development,” rason sa EO 74.
Isinaad pa, “The order also highlighted the State’s policy ‘to increase competitiveness, promote ease of doing business, and rationalize and streamline functions of agencies to facilitate efficient delivery of government services.’”
Sakop ng EO 74 ang lahat ng reclamation project kasama ang isinusulong ng mga lokal na pamahalaan at iba pang ahensiya ng pamahalaan.
Ang kautusan ay inilabas ng Palasyo isang linggo matapos manawagan ang ilang mambabatas na itigil ang rehabilitasyon sa Manila Bay at nag-akusa sa pamahalaan na inihahanda ang 43 reclamation projects sa Manila Bay na nasungkit ng malalaking negosyante.
(ROSE NOVENARIO)