ITINANGGI ni Parañaque city mayor Edwin Olivarez, na personal niyang bodyguard ang nahuling magkapatid sa isang operasyon ng National Capital Regional Police Office (NCRPO) na sinabing sangkot sa ilegal na droga kamakailan.
Matatandaang ikinasa ng NCRPO sa pangunguna ni NCRPO chief Director Guillermo Eleazar ang operasyon laban sa magkapatid na kinilalang sina Salah at Salman Mohamad, residente sa Ninoy Aquino Ave., San Dionisio, Parañaque City.
Hindi umano kilala ni Olivarez ang magkapatid, taliwas sa ibinibintang ng kabilang kampo na close-in bodyguard niya ang magkapatid na dinkip ng NCRPO.
Agad sinibak ng alkalde ang magkapatid na empleyado ng Parañaque city hall matapos mahuli at mabatid na sangkot sa ilegal na droga.
Makompiskahan ang magkapatid ng baril, bala at drug paraphernalia.
Kinompirma naman ng NCRPO na mismong ang alkalde ng Parañaque ang nagpahuli sa magkapatid dahil nabalitaan ang ilegal na gawain ng mga suspek.
Kapwa nakapiit sina Salah at Salman sa Camp Bagong Diwa sa Bicutan habang nanatili sa ospital ang isa nilang kasamahan na si Allan Acmad Barudi, matapos tumalon sa bintana ng bahay na kanilang tinutuluyan nang isagawa ng NCRPO ang operasyon laban sa mga suspek.
Laking pasasalamat ng mga residente sa pagkakahuli sa mga suspek dahil natigil ang mga transaksiyon ng ilegal na droga sa kanilang lugar. (JAJA GARCIA)