HANDA ang Commission on Elections (Comelec) sa pamamahagi ng mga election paraphernalia para sa ikalawang bahagi ng plebisito ng Bangsamoro Organic Law (BOL).
Sinabi ni Dir. Frances Arabe, Special Monitoring Team Over-all Head, lahat ng election form at mga kagamitan para sa plebisito ngayong araw (6 Pebrero ) sa Lanao del Norte at North Cotabato ay nasuri na kung kompleto at naibahagi na sa dalawang lalawigan.
Nakatakdang maagang mahatiran ng mga election paraphernalia kahapon (5 Pebrero) ang siyam na barangay sa Tulunan, North Cotabato, dagdag ni Arabe.
Ipinaliwanag niyang maagang hinatiran ng kagamitan ang nasabing mga lugar dahil ilan dito ay malalayo at ang iba naman ay may banta sa kapayapaan.
Samantala, ilalabas ang natitira pang mga election material sa madaling araw ng mismong araw ng plebisito.
Inaasahang nasa 639,361 rehistradong botante ang makikiisa sa pangalawang bahagi ng plebisito at higit sa 75% ang magiging voter turnout.