LIMA ang patay at mahigit 40 ang sugatan nang magbangaan ang dalawang bus sa Compostela Valley nitong Lunes ng hapon.
Sa imbestigasyon ng awtoridad, biglang pumutok ang gulong ng Metro Shuttle bus at nawalan ng kontrol sa manibela ang driver, dahilan para mapunta ang bus sa kabilang linya at sumalpok sa Bachelor bus.
Agad isinugod sa ospital ang mga sugatan na kinilala ang tatlo na sina Lorilyn Palo, Alexander Campos, at Vicente Dujali.
Umaasa ang mga pasahero na biktima ng banggaan ng dalawang bus na mabigyan agad sila ng tulong mula sa dalawang kompanya.
Nabatid nasa mahigit 40 pasahero ang nananatili sa ospital ng Montevista, habang ang iba ay ini-refer sa Tagum City Provincial Hospital dahil sa kritikal na kondisyon.
Namatay ang driver ng Metro Shuttle bus, samantala kritikal ang driver ng Bachelor bus.
Sa panayam kay Supt. Arnold Palomo, provincial director sa Compostela Municipal Police Station, dalawa ang dead-on-the spot kabilang ang driver ng Metro Shuttle Bus habang ang tatlo ay dead on arrival.
Mula sa New Bataan patungong Davao City ang Bachelor bus, samantala mula Sawata, Laak papuntang Tagum ang Metro Shuttle bus.
Pagdating sa Prk 92, Barangay Magsaysay, biglang pumutok ang gulong ng Metro Shuttle kaya dumeretso ito sa kabilang lane at bumangga sa bachelor bus.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya hinggil sa insidente.