KUNG pagbabasehan ang pitong senatorial surveys pinakahuli ang resulta ng Radio Mindanao Network (RMN) 2019 Election Survey nitong 7-17 Enero 2019 at Social Weather Stations (SWS) nitong 23-26 Enero 2019, wala nang makatitibag kay Senadora Grace Poe na maging topnotcher sa midterm elections sa Mayo 13.
Sa prestihiyosong SWS survey, nakakuha si Poe ng 64 porsiyento (%) sa mga tinanong samantala nasa ikalawang puwesto si Sen. Cynthia Villar na may natamong 57%, at sumunod sa kanila ang kapwa nagbabalik sa Senado na sina dating senador Lito Lapid (44%) at Taguig City Rep. Pia Cayetano (43%).
Malaki ang inilundag ng dating nabibilang sa laylayan ng mga survey na patas kay Sen. Sonny Angara sa ikalima at ikaanim na puwesto na si dating Special Assistant to the President Bong Go sa nakuha nilang tig-41%.
Sumunod si Sen. Nancy Binay (39%) habang statistically tied naman ang mga dati rin senador na sina Sen. Mar Roxas (38%) at Ramon “Bong” Revilla Jr. (38%) sa ikawalo at ikasiyam na puwesto.
Kinompleto nina Sen. Aquilino “Koko” Pimentel III sa ika-10 puwesto (36%); Sen. Paolo Benigno “Bam” Aquino IV (33%) sa pang-11 at dating senador Jinggoy Estrada (31%) ang pagpasok sa Magic 12.
Ayon kay election strategist Porfirio Callanta, malaki ang bentaha ng mahika ng yumaong aktor na si Fernando Poe Jr. (FPJ) sa kasikatan ni Poe partikular sa Visayas at Mindanao.
“Talagang magiging topnotcher si Senadora Poe sa May 13 elections dahil ipinaglalaban niya ang alaala ng kanyang ama na nadaya sa dagdag-bawas o electoral fraud noong 2004,” ani Callanta. “Masakit pa rin ang pangyayaring iyon sa mga tagahanga ni FPJ kaya iluluklok nila si Senadora Poe bilang topnotcher sa Senado.”