AABOT sa mahigit P1 milyong halaga ng shabu ang nakompiska sa tatlong babaeng drug pusher sa isinagawang buy-bust operation sa Navotas City, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni Navotas Police deputy chief for ddministration at Station Drug Enforcement Unit (SDEU) head Chief Insp. Ilustre Mendoza ang mga naaresto na sina Christina Gitag, alyas Nene, 26-anyos; Corazon Marcos, alyas Cora, 58-anyos; at Annalyn Tremocha, 23-anyos, pawang residente sa Brgy. North Bay Boulevard North (NBBN) na nakuhaan ng 17 sachet ng shabu.
Sa ulat ni PO2 Jaycito Ferrer, dakong 11:35 pm, nang ikasa ng mga operatiba ng SDEU sa pangunguna ni Mendoza ang buy-bust operation laban kina Cora at Nene sa Market 3, Brgy. NBBN.
Matapos iabot ng mga suspek ang isang pack ng shabu kay PO1 Glenn Ocampo na nagpanggap na poseur-buyer kapalit ng P2,000 marked money ay nagbigay na ng signal ang pulis sa nakaantabay na mga operatiba na agad lumusob at inaresto si Cora at Nene kasama si Annalyn.
Narekober ng mga operatiba kay Cora ang buy-bust money habang nakompiska kay Nene ang isang kahon na naglalaman ng 14 plastic sachet ng hinihinalang shabu, samantala nakuha naman kay Annalyn ang dalawang plastic sachet ng shabu na tinatayang aabot lahat sa P1 milyon ang street value.
Patuloy ang masusing imbestigasyon ng pulisya sa posibleng pagkakilanlan at pagkakaaresto ng pinagkukuhaan ng mga suspek ng ilegal na droga.
(ROMMEL SALES)