KASONG robbery extortion ang kinakaharap ng isang manghuhula matapos maaresto sa entrapment operation nang pagbantaan na mamamatay ang kanyang biniktima at kanilang pamilya sa Caloocan City, kamakalawa ng hapon.
Kinilala ang suspek na si Jesusa Cabrito, 55-anyos, residente sa King Solomon St., Del Rey Ville, Camarin na nadakip ng mga elemento ng Caloocan Police Community Precinct (PCP) 5.
Dakong 3:20 pm, naaresto ang suspek sa kahabaan ng Almar, Brgy. 175 matapos tanggapin ang P4,000 marked money na kanyang hiningi sa dalawang saleslady na sina Daisy Nillo, 28 anyos; at Jesusa Nieva, 22, upang alisin ang kulam at malas sa kanilang buhay.
Ayon kay Caloocan police deputy chief for administration Supt. Ferdie Del Rosario, noong nakaraang buwan, sumangguni sa suspek, kilalang manghuhula sa Camarin ang mga biktima.
Humingi ng malaking halaga ang suspek sa mga biktima para sa materyales na gagamitin umano sa ritwal na naging dahilan upang magbigay ng P19,500 si Nillo noong 16 Enero habang ibinigay naman ni Nieva ang lahat ng kanyang naipon na aabot sa P19,000 noong 17 Enero 2019.
Gayonman, muling humingi ng karagdagang tig-P2,000 ang suspek sa mga biktima at pinagbantaan ang dalawa na mamamatay sila at kanilang pamilya kung hindi magbibigay.
Dahil dito, nagpasyang humingi ng tulong ang mga biktima sa pulisya na nagkasa ng entrapment operation na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek.
(ROMMEL SALES)