KUNG si Senador Ping Lacson ang masusunod, gusto niyang makabalik sa panibagong termino sa Senado si Senator Bam Aquino dahil masipag at seryosong magtrabaho kapag nagsusulong ng mga panukala para sa mga mamamayan.
Ayon kay Lacson, nakita niya kung paanong hirap ang inabot ni Senador Bam para maging batas ang libreng kolehiyo.
Binigyang-diin ni Lacson pinagsumikapan ni Sen. Bam para maipasa ang Universal Access to Quality Tertiary Education Act dahil siya mismo ang author at principal sponsor nito.
“Kapag napag-uusapan ang libreng matrikula sa kolehiyo, ang unang naiisip ko, si Senador Bam Aquino. Alam kong siya ang nagtiyagang itulak ito sa Senado bilang author at Principal Sponsor ng Free Tuition Law,” wika ni Sen. Ping.
Ayon kay Sen. Ping, ang author o may-akda ay nagsusulat ng batas, ngunit mas mabigat ang trabaho ng sponsor dahil ito umano ang nagtatanggol nito sa plenaryo.
“Ang sponsor, siya ang nagde-defend. Iyon ang mas mahirap na gawin, kasi tatayo ka roon, tatanungin ka ng mga kasamahan mo, idedepensa mo ‘yung bill, ‘yung panukalang batas na itinutulak mo,” paliwanag ni Sen. Ping.
Paliwanag pa ni Ping, mahirap ang trabaho ng sponsor dahil kailangan nitong sagutin ang mga detalye ng panukala, hanggang sa kaliit-liitang detalye nito.
“Ang magde-defend, iyan ang napakahirap, kasi napakaraming pilosopo kaming kasama roon, tatanungin ka ng kaliit-liitang detalye ng panukalang batas, o ‘yung bill, na idinedepensa mo,” sabi ni Sen. Ping.
Nang maisabatas ang libreng kolehiyo, agad kinilala ni Sen. Ping sa kanyang Twitter account ang pagsisikap ni Sen. Bam upang ito’y maipasa.
Aniya, bago pa man angkinin ng iba ang papuri, sinabi ni Sen. Ping na si Sen. Bam ang principal sponsor ng libreng kolehiyo. Nagpahayag din ng buong suporta si Sen. Ping sa hangarin ni Sen. Bam na makakuha ng ikalawang termino sa Senado.