NAGULAT kami sa bagong hair style ni Robin Padilla kahapon sa mediacon ng Bato, The General Ronald dela Rosa story na naka mohawk siya.
“Para maging bata, ayaw mo ba?” tanong sa amin ng aktor.
Ano ang sabi ni Isabella (anak nila ni Mariel), “eh ‘di mukhang Indian tatay niya,” tumawang sagot sa amin ng aktor bago siya umupo sa harap ng press.
Walang kinalaman ang mohawk hair ni Robin sa pelikula dahil sa buong pelikula ay may buhok siya.
Aniya, “gusto ko po kasing magpakalbo, ‘yung manager ko ayaw pumayag kasi may commercial pa raw kami. Sabi ko na lang, ‘o sige magkita tayo sa gitna, literal, nagtira ng buhok sa gitna.”
Dagdag pa, “Kaya heto parang, Bato, the Indian story,” birong sabi pa ni Binoe.
In fairness bagay pa rin kay Robin ang mohawk at guwapo pa rin, pero siyempre mas guwapo siya sa pelikula dahil boyish looking siya.
Kuwento ng aktor na may buhok naman talaga si General Bato noong hindi pa siya heneral.
“Noong siya po ay magiging general na sa PNP nagdesisyon po siya na sabi niya, ‘hindi ako magpapatubo ng buhok hangga’t may masamang tao rito sa Pilipinas.’
“Kaya po wala na talagang pag-asang humaba pa ang buhok ni General Bato dahil matagal ‘tong laban niya kaya kailangan niyang manalong senador,” kuwento pa ng aktor.
Sabi pa, “nagpa-ahit po talaga siya ng buhok. Ang inikutan po ng istorya ng pelikula namin ay ang pagiging Cinderella man niya.
“Tong pelikula ay gusto naming mag-inspire ng mga tao na magsipag ka lang at magdasal maabot mo ‘yung ano (pangarap) kasi iyon po ang buhay nila at kaya naman ako patay na patay kina Bato at Manny Pacquiao kasi iisa ang istorya nila.”
Ipakikita sa pelikula ang kuwento ni Bato bago siya naging PNP Chief ang lahat ng hirap na dinaanan niya.
At sa tanong kung babaero so Bato? “Hindi po, very loyal po siya at sa katunayan, under po siya ng misis niya,” sabi ni Jake Joson, isa sa producer.
Kung 4 star general si Bato, 5 star general naman asawa niya kaya tiklop ang magiting na heneral sa misis niya.
Siksik sa aksiyon ang pelikula at mapapanood na ito sa Enero 30 mula sa direksiyon ni Adolf Alix, Jr. produced ng ALV Films, Benchingko, at Regal Entertainment.
FACT SHEET
ni Reggee Bonoan