HINDI naging maganda ang balita sa mga Pinoy, makaraan i-ban ng United States Department of Homeland Security ang Filipinas sa pagbibigay ng eligibility sa H-2A at H-2B working visas sa loob nang isang taon kaugnay ng problema sa overstaying at human trafficking.
Pinaalalahanan ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang mga Pinoy partikular ang mga nasa Estados Unidos na hangga’t maaari ay sundin ang patakaran ng immigration at iwasan ang manatili nang higit sa itinakda ng kanilang visa.
Payo sa mga Pinoy, sundin ang itinalagang petsa sa kanilang visa para sa pananatili nila sa America at huwag mag-overstay.
Ang paalala ng ahensiya ay dahil na rin sa hakbangin ng United States Department of Homeland Security na tanggalin ang Filipinas sa kanilang listahan para sa pagbibigay ng working visa.
Ayon sa DFA, dahil prerogative aniya ng America ang pag-iisyu ng visa, handa naman aniya silang magbigay ng tulong sa mga Pinoy na maaapektohan sa nabanggit na polisiya partikular ang nananatili sa nabanggit na bansa.
Ang H-2A visas ay iniisyu ng Estados Unidos sa mga foreign agricultural workers, samantala ang H-2B visa naman ay iniisyu para sa non-agriculture workers.
Napag-alaman na 40 porsiyento na inisyuhan ng H-2B visa mula sa Filipinas ay overstaying mula noong 2017.
Nabatid, ang pag-ban ng America sa Filipinas para sa nabanggit na working visa ay epektibo noong 19 Enero 2019 hanggang 18 Enero 2020.
Ang naging hakbangin ng America ay bunsod ng usapin na may kaugnayan sa overstaying at human trafficking. (JAJA GARCIA)