DAPAT managot ang mga magulang sa anumang nagawang criminal act ng kanilang mga anak.
Sa press briefing sa Palasyo kahapon, sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, sa paniniwala ni Pangulong Rodrigo Duterte, hindi dapat pinababayaan ng mga magulang ang mga anak na masuong sa masamang gawain o mas hindi nila dapat payagang magamit ang mga bata sa criminal activities ng ibang mga tao o sindikato.
Ayon kay Panelo, dapat makulong o pagkaitan ng parental custody ang mga magulang na may mga anak na nakagawa ng krimen.
Binigyang-diin ni Panelo na ang pananaw ng Pangulo na babaan ang edad ng mga batang dapat mapanagot sa mga nagawang krimen ay para protektahan sila.
Ginagamit aniya ng mga kriminal o sindikato ang mga batang nasa edad 9 anyos pataas dahil hindi sila nakukulong kundi pinangangaralan lamang, at kapag pinakawalan na, muli silang gagamitin sa ilegal na aktibidad ng mga kriminal.
Hindi masabi ni Panelo kung anong edad ang nais ni Duterte na dapat ay makulong ang mga batang nakagawa ng krimen.
Itatanong muna niya ito sa Pangulo, pero kung siya ang tatanungin, pabor siya sa edad na 9 anyos para maparusahan at makulong kapag nasangkot sa kriminalidad.
Depende aniya sa pagkakaintindi ng bata, lalo sa panahong ito na maagang nakauunawa at nag iisip na parang matanda ang mga menor de edad.