I just feel that the only power I have is setting a good example.
— Former Spice Girls member Geri Halliwell
PASAKALYE:
Sa Costa Rica, inalagaan ng isang lalaki ang nasugatang buwaya hanggang manumbalik ang sigla nito at kalusugan, sa kabila ng mabigat na sugat na tinamo sa hindi malamang dahilan. Ang kasong ito ay patunay lang na ang pangmatagalang pagkakaibigan ay maaaring makamit sa pagitan ng tao at isang mabangis na hayop.
Ayon sa kuwento, malubhang nasugatan ang buwaya at iniwang duguan sa baybayin ng ilog. Natagpuan ito ng mangingisdang si Gilberto Shedden, na may palayaw na ‘Chito,’ at dahil sa kaawa-awang kalagayan ay hindi niya nagawang iwan sa tiyak na kamatayan.
Iniuwi ni Chito ang buwaya sa kanyang tahanan at dito’y inalagaan nang anim na buwan para makapag-recover sa kanyang mga sugat. Kadalasan ay sinusubuan pa ng mangingisda ang buwaya at katabi pa sa kanyang pagtulog. Palagi rin niyang niyayakap ito at hinahagkan at tinatawag pa sa pangalang ‘Pocho.’
Makaraan ang mahabang rehabilitasyon, naka-recover si Pocho at nanumbalik ang kanyang lakas. Dito nagdesisyon si Chito na panahon nang ibalik ang buwaya sa natural niyang tirahan, kaya pinakawalan niya sa ilog kalapit lang ng kanyang tahanan.
Subalit ang problema’y sobrang naging malapit si Pocho sa sumagip sa kanyang mangingisda at bumalik siya sa tahanan nito at talaga namang tumangging umalis at lisanin ang lugar kung saan siya nasagip mula sa kuko ng kamatayan.
* * *
INATASAN umano ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año ang Philippine National Police (PNP) na maglabas ng kautusang nagbabawal sa mga pulis na uminom o makipag-inuman sa mga pampublikong lugar.
Ayon kay Año, ang kautusan ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte na nagbabawal sa sinumang police officer na uminom sa mga bar, nightclub at iba pang mga public area.
Ayon pa sa kalihim, kinakailangan maging role model o mabuting halimbawa ang mga senior police official sa kanilang mga subordinate.
Aniya, tumpak daw ang punong ehekutibo sa pahayag na “nawawalan ng respeto ang publiko sa mga pulis na makikita nilang umiinom nang lantaran.
Aniya: “Nakahihiya at masagwang makita na may mga pulis na nag-iinuman sa publiko. The job of the police requires the respect of the people, therefore they must do what it takes to gain and maintain public trust.”
REAKSIYON:
Teka lang… kung hindi po nagkakamali ang inyong lingkod, dati na po itong kautusan sa hanay ng pambansang pulisya kaya kailangan pa bang ipag-utos muli sa ating men-in-uniform?
Ang totoo, marami po tayong batas na hindi lubusang naipapatupad at isa na nga po ang pagbabawal sa mga kawani ng pamahalaan, partikular ang mga pulis, na magpakalasing sa harap ng publiko.
Tunay ngang nakaeawala ng respeto para masaksihan ito ng taongbayan.
Ano’ng say mo, Señor Eduardo?
* * *
PARA sa inyong komento o suhestiyon, reklamo o kahilingan, magpadala lamang ng mensahe o impormasyon sa email na [email protected] o kaya’y i-text sa cellphone numbers na 09054292382 para sa Globe at 09391252568 para sa Smart. Salamat po!