DALAWA ang inaresto ng mga tauhan ng Northern Police District (NPD) nang salakayin ang sinabing illegal refilling station ng liquefied petroleum gas (LPG) sa Caloocan City.
Sa bisa ng search warrant na inisyu ni Caloocan City Regional Trial Court (RTC) Branch 123, ni-raid ng mga elemento ng NPD Special Operations Unit (DSOU) ang Zach Marketing na matatagpuan sa kahabaan ng Tulingan St., Brgy. 14 Libis Espina dakong 7:30 ng gabi.
Inisyu ang search warrant base sa reklamo ng Isla LPG na kinakatawan ng isang Jonathan Dulay kontra sa Zach Marketing na umano’y nagre-refill ng fake LPG.
Inaresto ng mga elemento ng DSOU ang cashier na kinilalang sa Mariecon Balicao, 19, at Elimar Matero, 29, driver, kapwa residente sa Tulingan St. Brgy. 14, Libis Espina.
Nakompiska ng pulisya ang anim pirasong 11 kilogram ng Solane LPG cylinders, isang Isuzu elf closed van na gamit sa delivery at isang logbook.
Kasong unfair competition under RA 8293 or the Intellectual Property Code of the Philippines ang isinampa sa mga naaresto.
Patuloy ang follow-up operation ng mga awtoridad sa ikaaaresto sa may-ari ng company.
(Rommel Sales)