DESMAYADO si dating Tourism secretary at ngayon ay Bagumbayan Party senatorial bet Raffy Alunan III sa naging performance ni kasalukuyang Department of Tourism (DoT) Secretary Berna Romulo Puyat sa nakaraang pagdiriwang ng Ati-Atihan Festival sa Kalibo, Aklan.
Wala si Puyat sa pagdiriwang ng Ati-Atihan Festival na tinagurian pa namang “Mother of All Festivals” sa buong bansa at nagpapakita ng ating mayabong na kultura at tradisyon na malaking bagay sa pagsusulong ng masiglang turismo.
“Dapat hands on ka, para alam mo kung ano ang nangyayari sa ibaba. Paano mo malalaman kung paano mo ibebenta ang isang produkto kung ikaw mismo ‘di mo naman naintindahan ang produkto mo?” payo ni Alunan kay Puyat.
Ilan sa pinuna ni Alunan ang limitadong mga biyahe papuntang Kalibo bago sumapit ang kapistahan at ang hindi magandang impraestruktura.
“Improve access and tourism infrastructure. Expand the seaport and airport, as well as ground transport and hotel accommodation,” ayon kay Alunan.
“Before the Ati-Atihan Festival imbes mas dumami ang flight sa Kalibo, mas konti, kaya nahirapan ang mga tourist na marating ang Kalibo at limited lang ang guest. Kailangan mag-isip ang ahensiya (DOT) kung paano mapapabalik ang mga turista sa isang tourist spot hindi lang tuwing may festival,” dagdag ng dating DoT chief.
Binigyang-diin ni Alunan ang kapakinabangan ng mga kababayan natin sa magandang takbo ng turismo dahil isa itong “force multiplier” na lilikha ng mas maraming trabaho sa naturang lugar.