TUMABI na ang mga karakter na Joaquin Tuazon (FPJ’s Ang Probinsyano) at Biggie Chen (Buy Bust) ni Arjo Atayde dahil tiyak na mabubura sila sa pagpasok ni Elai Sarmiento sa bagong seryeng The General’s Daughter na mapapanood na simula ngayong gabi sa ABS-CBN.
Ang mga nabanggit na karakter ni Arjo ay hindi makalimutan nang lahat dahil sa ipinakitang husay nitong pag-arte pero kinamuhian naman siya dahil kontrabida siya.
Pero sa TGD bilang Elai ay tiyak na mamahalin siya sa bago na naman niyang karakter na may autism at ibang level ng pag-arte ang ipinakita ni Arjo bagay na pinalakpakan siya nang husto.
Kaya naman pala perfect 10 ang grading na ibinigay ni Maricel Soriano sa aktor dahil ang husay base na rin sa napanood naming cinema screening ng The General’s Daughter sa Trinoma Cinema 6 nitong Biyernes na dinaluhan ng marami.
Napaka-simple ng unang eksena ni Arjo na nakita niya si Angel Locsin na walang malay sa may dalampasigan pero ang ganda ng atake niya.
Habang namumulot ng bato si Elai ay napadpad siya sa dalampasigan, “tata-tao? Tao! Tao! Nanang (Maricel Soriano) may tao.”
At saka naglapitan ang lahat sa itinuro ng binatang hindi normal ang pag-iisip.
Kung hindi ka taga-isla ay hindi mo iisiping may pagkukulang kay Elai dahil perpekto ang hitsura, matangkad, guwapo at maayos.
Kaya si Angel nang makita niya si Arjo ay nagulat siya pero nang marinig na niyang magsalita ay doon lang niya naintindihan at saka naman ito inamin ng Nanang Belle (Maricel) niya.
Anyway, duda ang lahat sa pagkatao ni Angel bilang si Rhian Bonifacio (Angel) kung masama o mabuti siya at nagtatalo ang mga taga-isla kung kailangan pa siyang gamutin, pero nagdesisyon si Nanang Belle na aalagaan ang dalaga.
Nasambit din ni Elai, ‘paano kung hindi siya masamang tao?’ Nagsasalita ang aktor pero wala siyang emosyon dahil kung saan-saan nakatingin.
At dahil sa matinding pagka-bagok sa ulo ay nagka-amnesiya si Rhian kaya hindi niya matandaang kung anong pangalan niya kapag tinatanong siya at dahil dito ay tinawag siyang Dyosa ni Elai.
Bakit Dyosa, “kasi ang ganda –ganda niya,” sabi ng tila batang si Elai.
Kaya mula noon naging Dyosa na si Angel sa isla.
Ang galing ng opening ng The General’s Daughter dahil sina Angel, Arjo, at Maricel ang unang ipinakitang kuwento at hindi nagpa-iwan ang aktor dahil sumabay siya sa husay ng dalawang aktres.
May artistang nagsabi ng, ‘kung mahina kang artista, tiyak lalamunin ka ng Arjo Atayde na ‘to.’
Nag-aasaran naman ang leading men ni Angel na sina JC de Vera at Paulo Avelino, “Paano mo ginawa ‘yun?” May nagsabi pang, ‘gago umarte ‘yang si Arjo.’
Oo nga, hindi man lang natakot si Arjo na sumabay sa acting nina Maricel, Albert Martinez, JC, Paulo, Tirso Cruz lll, at Angel.
Dumalo sa cinema screening ang mga nabanggit at sina Cholo Barretto at Kim Molina. Bakit wala na naman si Ryza Cenon?
Abangan ang TGD ngayong gabi pagkatapos ng FPJ’s Ang Probinsyano mula Dreamscape Entertainment sa direksiyon nina Mervyn Brondial at Manny Palo.
FACT SHEET
ni Reggee Bonoan