ARESTADO ang apat na hinihinalang sangkot sa ilegal na droga kabilang ang live-in partners at isang menor-de-edad sa isinagawang magkahiwalay na drug operation ng mga awtoridad sa Navotas City.
Ayon kay PO2 Jaycito Ferrer, 12:45 ng madaling araw nang isagawa ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit sa pangunguna ni Chief Insp. Ilustre Mendoza ang buy-bust operation laban sa drug pusher na si Albert Disabille, 35, malapit sa kanyang bahay sa Champaca St. Brgy. NBBS.
Matapos iabot ng suspek ang isang sachet ng shabu kay PO1 Globert Batara na nagpanggap na poseur-buyer kapalit ng P300 marked money, agad lumusob ang back-up na mga operatiba at siya ay inaresto.
Bukod sa nabiling shabu at buy-bust money, narekober sa suspek ang isang plastic sachet ng hinihinalang shabu. Inaresto rin ng mga operatiba si Richard Flores, 42, at ang 16-anyos na binatilyo matapos makuhaan ng tig-isang sachet ng shabu.
Dakong 9:30 pm nang maaresto rin ng mga operatiba si Jeffrey Dacut, 26, at kanyang live-in partner na si Mary Grace Garganta, 26, sa buy-bust operation sa R-10 Sitio Sto. Niño, Brgy. NBBS Proper.
Nakompiska kay Dacut ang tatlo sachets ng hinihinalang shabu, buy-bust money at isang kal .38 revolver na kargado ng dalawang bala.
Nakuha sa kanyang live-in partner ang isang sachet ng shabu.
Sa Navotas Fish Port, nasakote ng mga tauhan ng Navotas Maritime Police sa pangunguna ni SPO2 Manny Vidal at SPO2 Antonio Verzo Jr., ang electrician na si Christopher Sarmiento, 43, ng First St., Brgy. Tañong, Malabon City matapos makuhaan ng dalawang plastic ng shabu sa Market 3, Squatters Area dakong 6:00 ng gabi. (ROMMEL SALES)