NATAGPUANG wala nang buhay ang isang 19-anyos Chinese national sa loob ng kanyang condominium unit sa Pasay City, iniulat kahapon.
Kinilala ni Pasay City Police chief, S/Supt. Noel Flores, ang biktima na si Chen Rongzhen, naninirahan sa Unit 1203, Tower B, Shell Residence Condominium na matatagpuan sa Sunrise Drive, MOA Complex, Barangay 76, Pasay City.
Sa isinagawang pagsisiyasat nina SPO3 Genomar Geraldino at PO2 Jimmy Rufo, ng Pasay City Police, natagpuan ng kanyang roommate na si Su Guizhang, 32, may asawa, IT employee ng Eastfield Center, isa rin Chinese national, ang biktima na walang malay at hindi na kumikilos sa loob ng kanyang silid sa nabanggit na condo unit, dakong 10:40 ng umaga.
Agad tinawagan ni Guizhang ang kanilang Chinese Administrative Officer na si Zhang Yuhong upang ipaalam ang kondisyon ni Rongzhen kaya agad tumawag sa Lifeline Makati Medical Center para magpadala ng ambulansiya.
Pero pagdating ng medical personnel, nabatid nilang wala nang pulso at malamig na ang katawan ng biktima.
Sa pahayag sa pulisya ni Guizhang, bago matagpuang patay ang roommate, kumain umano ng maraming seafood at sobrang nalasing ang biktima noong Sabado ng gabi.
Sa pagsusuri ng SOCO-SPD team sa pangunguna ni S/Insp. Elena Mediana, walang nakitang mga sugat sa katawan ni Rongzhen.
Dinala ang labi ng biktima sa Veronica Funeral Parlor para sa awtopsiya.