KUNG na-EVAT ni Senator Ralph Recto ang sambayanang Filipino, para namang nasagasaan ng tren sa riles ang impact ng TRAIN Law sa mamamayan lalo na roon sa maliliit na ‘indirect taxpayers.’
Ang henyo lang naman sa ‘mapanagasang’ TRAIN Law ay walang iba kundi si Senator Juan Edgardo “Sonny” Angara.
Siya po ay kasalukuyang tumatakbo para sa kanyang ikalawang termino sa Senado.
Labing-anim na Senador ang pumabor sa TRAIN Law maliban kina senators Panfilo Lacson, Riza Hontiveros, Bam Aquino at Antonio Trillanes III na tahasang inayawan ang kontrobersiyal na batas.
Natatandaan pa natin ang garantiya ni Senator Angara, na ang gatas umano at ang 3-and-1 coffee ay mananatiling exempted sa Sweetened Beverage (SB) Tax.
Parang naawa pa niyan si Senator Angara sa mga purdoy na mamamayan dahil ‘yan ang ‘basic’ na almusal ng masa.
Ang alam natin, may sukat pa ‘yan sa ilalim ng TRAIN Law, pero maliliit na detalye ‘yun na teknikal na lang halos.
Ang pinag-uusapan natin dito sa TRAIN Law, hindi ito totoong nagbibigay ng proteksiyon sa maliliit na mamamayan kundi isang malaking pahirap.
‘Yung buwis dito sa TRAIN Law hindi lang ‘ipinapataw’ kundi ‘inihahataw’ sa kakarampot na kita ng mamamayang Filipino.
Ang pinakamabigat nga rito, ‘yung Petroleum Excise Tax.
Sabi noon ni Angara, sa ilalim daw ng TRAIN Law, kontrolado ang pagtataas ng presyo ng mga produktong petrolyo. Mananatili raw na ‘minimum’ kung magtataas ang presyo ng LPG, diesel at gasoline.
Ang tanong lang natin, ano at saan ba ‘nakakonteksto’ ang ‘minimum’ na pagtataas ng presyo ng produktong petrolyo?!
E sa mahabang karanasan nating mga Filipino, ang pagtataas ng presyo ng produktong petrolyo ay may mabigat na chain reactions sa presyo ng mga bilihin lalo sa batayang pangangailang gaya ng bigas, iba’t ibang uri ng ulam (karne, gulay isda), gatas, asukal kape etc.
Kahit sabihin pa sa batas na minimum lang ang pagtataas ng presyo, sa realidad ay hindi naman ganoon ang nangyayari.
Ang isasagot lang ng mga negosyante o vendor na apektado rin ng batas, “Aba, e kay Senator Angara kayo bumili!”
“‘Yan, ang katotohanan sa likod ng TRAIN Law ni Angara — pahirap lalo sa kabuhayan.
At ‘yan po ang huwag ninyong kalilimutan sa halalan.
BILYONES NI PACMAN MULING MADARAGDAGAN SA PACQUIAO-BRONER FIGHT SA MGM LAS VEGAS
Sa darating na Linggo (Sabado sa Las Vegas) uusok na ang labanang Manny Pacquiao at Adrien Broner sa MGM Grand Garden Arena.
Laban ito ng boksingerong 40-anyos at 29-anyos para sa WBA welterweight belt. Ibig sabihin, si Pacman ang magdedepensa dito ng kanyang korona at ang naghahamon ay si Broner.
Pero, ano pa ba ang dapat patunayan ng isang Manny Pacquiao?
Itinanghal na siyang Octuple champion o eight division world champ sa larangan ng boksing.
Kumbaga, ang mga laban niya ngayon ay pampakondisyon na lamang ng kanyang katawan.
Manalo o matalo sa kanyang laban sa 19 Enero 2019 (American time), tiyak na madaragdagan na naman ang kanyang milyong dolyares.
Tiyak na magiging masaya na naman ang sambayanang Filipino dahil makikita na naman nilang lumalaban si Pacman.
Pero pagkatapos ng laban, tiyak na mas masaya si Manny Pacquiao!
Tiket palang sa MGM Grand Garden Arena kitang-kita na sila. Ang pinakamalayo ay US$300, e ‘yung pinakamalapit? Tiyak na libong dolyares ‘yan.
Ang balita natin sold-out na ang tiket.
E ‘yung iba pang pagkikitaan sa Pacquiao-Broner fight?
Kaya naman manalo o matalo sa kanilang sapakan sa Linggo (Philippine time), winner naman ang bulsa ni Senator Manny Pacquiao.
Abangan!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap