SA paniniwalang mas makabubuti ang pagkakaroon ng localized peace talks sa mga komunistang gerilya bilang ‘innovation worth pursuing’ binigyang halaga ni Ilocos Norte governor Maria Imelda Josefa ‘Imee’ Marcos ang madaliang pagpapatuloy sa nasabing paraan ng pagkamit ng kapayapaan upang mawakasan na ang karahasan.
Sa Kapihan sa Manila Bay media forum sa Café Adriatico sa Malate, Manila, idiniin ng gobernadora ang importansiya ng pagwawakas sa hostilidad sa pagitan ng pamahalaan at mga komunista dahil ito ang paraan para mapabilis ang planong makamit ang kaunlaran at matatag na ekonomiya para sa bansa.
Ipinaliwanag ni Marcos, panganay na anak na babae ng yumaong dating Pangulong Ferdinand Marcos, na naniniwala siyang mas magiging epektibo ang localized peace talks dahil ang karamihan sa mga local chief executive (LCEs), partikular sa mga rehiyon at lalawigang tinukoy na may puwersa ang mga rebelde, ay pamilyar kung sino ang sumusuporta o mga miyembro ng Communist Party of the Philippines (CPP), lalo ang armadong New People’s Army (NPA).
“Kailangan madaliin ito at idaan na lamang sa lokal na usapang pangkapayapaan dahil kilala naman nila (LCEs) kung sino-sino ang mga NPA commander sa kanilang lugar,” diin ni Marcos.
Idinagdag ng gobernadora na ang pagsasagawa ng localized peace talks ay sumusuporta sa direktiba mula kay Pangulong Rodrigo Duterte na humihiling para sa local na pakikipag-dialogo sa mga kommunistang rebelde imbes paggamit ng sinasabing ‘backdoor channels.’
“Dapat maging agresibo ang PNP (Philippine National Police) at ang AFP (Armed Forces of the Philippines) sa kanilang operasyon laban sa mga rebelde at dapat mayroong guidelines sa usapang pangkapayaan dahil marami silang magagawa kung idadaan sa lokal ang peace talks,” aniya.
Para pagtibayin ang kanyang pananaw, binanggit ng gobernadora ng Ilocos Norte ang regular na pakikipagpulong sa ilang NPA commander, na kanilang natulungan at nabigyan ng ayuda sa nakalipas, partikular ang mga pamilya nila, upang makabalik sa mainstream at mamuhay nang normal.
“Mas mainam talaga kung mag-uusap sa lokal dahil kilala naman nila ang isa’t isa kaya’t madali agad maresolba ang kanilang mga hinaing o mga demand sa gobyerno,” pagtatapos ni Marcos.
(TRACY CABRERA)