INATASAN ni Manila Mayor Joseph Estrada si City Administrator Ericson Alcovendaz na tiyaking maayos ang waste disposal ng mga estrukturang pag-aari ng local na pamahalaan kasunod ng plano ng national government na isagawa ang major rehabilitation ng Manila Bay.
Partikular na pinatututukan ni Mayor Estrada ang Manila Zoo na kabilang sa nabanggit ng DENR na walang maayos na waste disposal system upang matiyak na makatutugon sa Environmental Code Ordinance 8371 na naipasa ng konseho sa ilalim ng kanyang termino.
Nagbigay din ng direktiba si Estrada kay Alcovendaz na magsagawa ng imbentaryo sa mga gusali na pag-aari ng city government para sa lalong madaling panahon ito ay magawan ng mga tamang waste disposal bago magsimula ang rehabilitasyon ng Manila Bay.
“Dinatnan na nating ganyan ang sitwasyon ng Manila Zoo kaya’t ginagawan natin ng paraang maayos ito. Kaya nga tayo nagkaroon ng Enviromental Code Ordinance para masolusyonan ang mga problemang sumisisra sa ating kalikasan,” ani Estrada.
Tiniyak ni Estrada, suportado niya ang proyektong rehabilitasyon ni Pangulong Duterte kaya’t ngayon pa lamang ay ipinaiinspeksiyon na rin niya ang iba pang city owned premises na posibleng direktang nagtatapos sa Manila Bay.
“Inuuna natin ang mga local government properties na sumunod sa mga environmental laws bago natin tutukan ang commercial establishments. Kailangan Makita nila na tayo sa gobyerno ang unang sumusunod sa batas,” ani Estrada.