APAT katao kabilang ang dalawang babae ang naaresto ng mga awtoridad sa isinagawang magkakahiwalay na buy-bust operation sa Caloocan City.
Ayon kay Caloocan Police Station Drug Enforcement Unit head PCI Rengie Deimos, dakong 11:30 pm nang ikasa ng pinag-samang operatiba ng SDEU at PCP-7 sa pangunguna ni PSI Geraldson Rivera ang buy-bust operation kontra sa umano’y tulak ng droga na si Michael Jabonita, 40, sa Barmat Bukid, Rubyville, Brgy. 160.
Nakabili si Victorino, na nagpanggap na poseur-buyer ng isang plastic sachet ng shabu kay Jabonita kapalit ng P200 marked money at nang mag-kaabutan, agad sumugod ang back-up na mga operatiba saka inaresto ang suspek.
Nakompiska sa suspek ang isa pang plastic sachet ng hinihinalang shabu at buy-bust money at inaresto rin ang dalawa pang drug user na sina Rizza Beato, 30, at Lisa Beltran, 56, matapos maaktohan ng mga operatiba na bumibili kay Jabonita.
Dakong 1:00 am nang masakote ng mga operatiba ng SDEU kasama ang mga tauhan ng PCP-1 sa pangunguna ni C/Insp. Bernabe Irinco sa ikinasang buy-bust operation sa Adelfa St., Brgy. 132, Bagong Barrio, ang drug pusher na sinabing kabilang sa drug watchlist na si Richard Villanueva alyas Kulugo, 41-anyos ng nasabing lugar.
Limang plastic sachets na naglalaman ng hinihinalang shabu kabilang ang nabili ng poseur-buyer at P200 buy-bust money ang nakompiska sa suspek.
(ROMMEL SALES)