KUNG hindi magiging maayos ang ‘handling’ ng propaganda kay senatorial candidate Christopher “Bong” Go, malamang na matulad ito sa nangyari sa kandidatura ni Rep. Prospero Pichay na natalo sa pagka-senador at dating Sen. Manny Villar na natalo naman sa pagka-presidente.
Kung matatandaan, kapwa ‘nasunog’ sina Pichay at Villar dahil na rin sa sandamakmak na propaganda materials na kanilang ipinakalat sa Filipinas na nagdulot para hindi sila iboto ng taongbayan.
Lilinawin lang natin, ang ibig sabihin ng ‘nasunog’ sa usapin ng propaganda ay pinagsawaan, nauta at naumay. Ganito ang mangyayari kay Bong Go kung hindi aayusin ng kanilang kampo ang kanilang propaganda strategy.
Hindi sapat na punuin at dikitan ng sticker o tarpaulin ng mukha ni Bong Go ang mga pader, poste at puno para sabihing epektibo ang isang propaganda. Lalo lamang kaiinisan ng mga botante dahil wala na silang masulingan kundi pagmumukha na lang nitong si Bong Go.
Kung tutuusin, sinabi ko na ito kay Pareng Allan a.k.a. ‘Punglo’ tungkol sa napakaraming propaganda materials ni Bong Go, at alam kong pakikinggan niya ang puna ko hinggil sa kanyang kaibigang tumatakbo sa pagka-senador.
Sana maintindihan ng kampo ni Bong Go na mahalagang bagay ang ‘scarcity’ kung propaganda ang pag-uusapan. Hindi kinakailangang ibuhos ang lahat ng propaganda dahil tiyak na ‘masusunog’ ang isang kandidato.
Mahalagang hindi kaagad pagsawaan ang isang kandidato at magandang hahanap-hanapin ng taongbayan ang mga bagong gimik nito na bago sa kanilang panlasa. Sa ganitong paraan, hindi ito pagsasawaan.
Ang propaganda ay laging mayroong elemento ng time, place and condition para maging matagumpay. Basic ‘di ba?!
Hindi bara-bara at gamol ang pagdadala ng isang kandidato. Kailangan organisado ito at laging mayroong koordinasyon sa ibang grupo na sumusuporta rin sa nasabing kandidato. Hindi maaaring kanya-kanya ang kilos maisakatuparan lang ang propaganda.
Sayang si Bong Go, dahil kung paniniwalaan ang latest Pulse Asia survey, malaki ang iniangat niya at ngayon ay nasa pang ika-16 na puwesto sa senatorial race. Pero hindi nga ganoon ang cuentas claras dahil hindi pa rin naman siya pasok sa “Magic 12.”
Kung tutuusin, sa February 12 pa naman magsisimula ang campaign period para sa senatorial race, at dapat hinay-hinay lang ang birada ng propaganda para kay Bong Go. Kailangan lang maging mulat sa propaganda ang mga tutulong sa kanya dahil sa halip na makatulong baka makasira pa sa kanyang kandidatura.
Sunog!
SIPAT
ni Mat Vicencio