NANGANGAMBA ang mga lider at mga miyembro ng dalawang organisasyon sa ginagawa umanong pananakot at panggigipit ng gobyerno na pilit anilang iniuugnay sa rebolusyonaryong grupo ng Communist Party of the Philippines (CPP) — ang grupong Alliance of Concerned Teachers (ACT) at ang grupo ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP).
Ang ACT ay organisasyon ng mga guro sa bansa samantala ang NUJP naman ay kinabibilangan ng mga mamamahayag sa buong Filipinas.
Sinasabing kaalyado raw ng ACT ng makakaliwang grupong CPP-NPA na tinaguriang terrorist group ng Palasyo, samantala ang NUJP ay iniuugnay rin sa nasabing leftist group at may direktang ugnayan kay CPP founding Chairman Jose Ma. Sison.
Nangangamba umano sila sa ginagawang paniniktik sa kanila ng pulisya na pilit na iniuugnay sila sa CPP-NPA. Natural na matakot at mangamba sila sa hakbang na ito na biglaang isinagawa sa kanilang grupo.
Mahigpit na kinokondena ng NUJP ang pag-uugnay sa kanila sa CPP-NPA na maliwanag daw na estilo lang ng Palasyo upang sila ay takutin para manahimik na lamang.
Hindi na umano normal ang mga ginagawang ito ng gobyerno. Obvious na panggigipit at pananakot na hindi natin malaman kung ano ang pinaplano at ano kaya ang susunod na hakbang.
Sa pahayag ng NUJP sinabi nilang malaking kalokohan at kasinungalingan ang mga akusasyon laban sa kanila na kinabibilangan ng mga propesyonal na mga mamamahayag na may paninindigan.
“Sentido-kumon naman sana ang gamitin nila, alam naman namin ang aming ginagawa. Mantakin ninyong iugnay ninyo kami sa CPP-NPA e alam n’yo namang hindi kami nagpapagamit sa kaaway ng press freedom maski na malagay sa panganib ang aming buhay.
“Kung sino man ang nasa likod ng kampanyang ito ay makonsensiya naman dahil sa pamamahayag na lang ang senyales na makikita natin at mararamdaman na may demokrasya pa.”
Nakakakaba anila ang ginagawang pananakot ng gobyerno na sinisimulan sa grupo ng mga guro at mga mamamahayag. Sino naman kaya ang susunod na grupong gigipitin at tatakutin?
Mga katoto, ‘di kaila sa atin na pangatlong beses nang pinalawig ang Martial Law sa Mindanao, isang taon na naman ulit na nasa ilalim ng batas militar. Ano kaya ang ginagawa nilang basehan samantala wala namang rebelyon at mas lalong walang mga rebelde.
Ayon sa intelligence report ng AFP, wala ni isa mang rebelde ang nahuli ng mga awthoridad, may apat na tao raw ang naaresto pero walang kasong rebelyon ang inihain laban sa kanila.
Ano kaya ang purpose ng panibagong extension ng martial law sa Mindanao?
Hindi raw malayong ibaba rin ang Martial Law sa Luzon at Metro Manila na nararamdaman nating unti-unting inuumpisahan sa pamamagitan ng mga akusasyon at pagbibintang sa ilang organisasyon na iniuugnay sa CPP-NPA.
Mga kaibigan, ang pamamahayag ay isang senyales na mayroon pang demokrasya, huwag nating hayaang supilin ito.
YANIG
ni Bong Ramos