SASAMPAHAN ng kaso ng Alliance of Concerned Teachers sina Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Ano at Philippine National Police (PNP) Director General Oscar Albayalde dahil sa ginawang paniniktitik ng mga pulis laban sa mga miyembro ng Alliance of Concerned Teachers (ACT).
Ayon kay ACT party-list Rep. Antonio Tinio nakakuha sila ng dokumento na magpapatunay na ginagawa ito ng mga pulis sa nga eskuwelahan sa Bulacan, Las Piñas, Maynila, Malabon, Rizal, Mindoro, Sorsogon, Agusan del Sur at Zambales.
Ayon kay Tinio nilabag ng PNP ang right to privacy ng mga guro na kasapi sa ACT.
Aniya, nakahanda na ang kaso laban sa mga pulis na isasampa sa Office of the Ombudsman.
Naniniwala si Tinio na may kinalaman si Pangulong Rodrigo Duterte sa pagkilos ng mga pulis laban sa mga guro at posibleng kasuhan pagkataoos ng kanyang immunity bilang presidente.
“Baka later (na kasuhan si Duterte). After 2022 or baka sa ICC (International Criminal Court) na lang,” ani Tinio.
Nalalagay sa panganib ang mga guro ayon kay Tinio.
“Ang pangamba natin, ang pamamaraan ng tokhang, ang madugong giyera kontra droga ng Duterte administration ay dinadala na at inilalapat sa mga itinuturing ng Duterte administration na kritiko at kaaway,” ani Tinio.
“Nagsisimula na nga rito sa pagbubuo ng mga listahan. Tapos ano ang susunod diyan? Maaaring pagkatapos niyan ‘yung mga nasa listahan ipapatawag ng pulis tapos oobligahin na maglinis ng kanilang pangalan o kaya oobligahin na mag-surrender at kung hindi mag-surrender puwedeng sampahan ng mga gawa-gawang kaso, taniman ng ebidensiya at puwede pa ngang patayin tapos sasabihin na nanlaban,” paliwanag ni Tinio.
ni Gerry Baldo