KATAMTAMAN ang panahon pero may tsansang dumanas ng ambon ang aasahan sa Metro Manila bukas, Miyerkoles, sa araw ng Kapistahan ng Itim na Nazaren0, ayon sa weather bureau.
Ayon kay weather specialist Meno Mendoza, kahapon, Lunes ay walang naiulat na weather disturbances sa Philippine area of responsibility sa loob ng tatlong araw.
Ang hanging-amihan ay magpapatuloy na dominanteng klima sa Luzon.
Sa isinagawang special weather outlook ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration’s (PAGASA) para sa nakatakdang religious festival, sinabi nilang katamtamang panahon ang aasahan sa susunod na apat na araw na may posibilidad ng pag-ambon.
Ang temperaturang mararamdaman ay sa pagitan ng 22 at 31 degrees Celsius.
Inaasahang milyon-milyong deboto ang daragsa para sa Traslacion — ang prusisyon ng Itim na poong Nazareno mula sa Quirino Grandstand sa Rizal Park pauwi sa kanyang dambana sa simbahan ng Quiapo (Minor Basilica of the Black Nazarene).
Noong isang taon, umabot sa 22 oras bago natapos ang prusisyon.