MAGKADIKIT sina senator Cynthia Villar at Grace Poe sa huling survey ng Social Weather Station (SWS) pero maraming naniniwala na mangunguna pa rin ang anak ng yumaong aktor na si Fernando Poe, Jr. (FPJ) sa nalalapit na halalan.
Sinabi ng political strategist at statistician na si Janet Porter, may mahika pa rin si FPJ lalo sa Visayas at Mindanao kaya tiyak na siya ang magiging topnother sa buong Filipinas.
“Malaking bagay ang nagawa ni Poe sa Senate lalo ang pagpapahaba ng validity ng ating mga pasaporte at drivers’ license sa 10 taon,” ayon sa tubong Cavite na si Porter. “May ‘FPJ Magic’ pa rin kaya tiyak na si Poe ang iboboto ng mga tagahanga ni ‘Da King’ lalo sa Visayas at Mindanao.”
Sinabi ni Willy Sumook ng Salcedo, Eastern Samar na malakas pa rin ang “FPJ Magic” kaya iboboto ng buong pamilya niya si Poe.
“Talagang hangang-hanga kami kay Sen. Poe dahil nakuha niya ang katangian ni FPJ na matapang, tapat sa tungkulin, tumutupad sa pangako at maipagmamalaki bilang Filipino,” ani Sumook.
Nakakuha si Villar ng 62 porsiyento (%), katumbas ng tinatayang 37 milyong boto, kadikit si Poe na nagtamo ng 60% o tinatayang 36.4 milyong boto sa survey sa 1,500 katao na tinanong nang harapan na isinagawa mula 16-19 Disyembre.
Magkakapantay sina Taguig Rep. Pia Cayetano, Sen. Sonny Angara at Sen. Nancy Binay, na pawang nakakuha ng 40% Solong pang-anim naman ang aktor at dating senador na si Lito Lapid na nagtamo ng 38%, nasa No. 7 si dating senador Bong Revilla at No. 8 at No. 9 sina Sen. Aquilino Pimentel III at dating senador Jinggoy Estrada na kapwa nakakuha ng 43% voting preference.
Nasa No. 10 spot si dating senador Mar Roxas na may 28% kasunod si Ilocos Norte Gov. Imee Marcos na may 27%. Pumuwestong ika-12 si Sen. Joseph Victor Ejercito na may natamong 27% katumbas ng mahigit 15 milyong boto.
May margin of error na plus o minus three percent ang survey ng SWS na kadalasang nagiging basehan sa pagboto ng mga mamamayan sa nalalapit na halalan.