NAKAKALAT na ang mga tauhan ng Manila Police District (MPD) sa mga lugar na pagdarausan ng mga aktibidad kaugnay sa Pista ng Itim na Nazareno.
Umabot sa 600 pulis ang itinalaga ngayong Linggo sa rutang daraanan ng blessing at prusisyon ng mga replika ng Itim na Nazareno, na idaraos sa Lunes, ani MPD chief S/Supt. Vicente Danao.
Pinaigting ang checkpoints sa lugar na nakapalibot sa Minor Basilica of the Black Nazarene o Quiapo church, ani Danao.
Aniya, daragdagan nila ang mga itatalagang pulis sa mga susunod na araw.
Nauna nang sinabi ng National Capital Region Police Office na aabot sa 7,200 ang kabuuang bilang ng mga pulis na itatalaga sa mismong Traslacion ng Itim na Nazareno sa Miyerkoles, 9 Enero.
Sa 7,200, 2,200 rito ay magmumula sa MPD habang ang 5,000 iba pa ay manggagaling sa iba pang sangay ng pulisya sa Kamaynilaan.
Samantala, inihahanda na rin ang seguridad para sa “Pahalik” sa Itim na Nazareno na nakatakda sa Martes sa Quirino Grandstand.
Inilatag nitong Linggo ang plastic barriers sa Quirino Grandstand ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Inihanda na rin ang first aid stations at ambulansiya sakaling magkaroon ng disgrasya o magkaproblema sa kalusugan ang mga dadalo sa “Pahalik.”
Noong nakaraang taon ay magkahiwalay ang pila para sa mga babae at lalaki sa “Pahalik” pero pag-iisahin na ang pila ngayong taon, ani Edward Gonzales, head ng road emergency ng MMDA.
Nagreklamo ang ilang magkakamag-anak at magkakasama noong nakaraang taon dahil hiwalay pa ang pila, ani Gonzales.
Ibig sabihin, dalawa na lang ang magiging pila sa “Pahalik” ngayong taon — isa para sa mga deboto, mapa-babae man o lalaki, at isa para sa mga person with disability, senior citizens at buntis.
Inaasahang sa gabi ng Lunes ay darating ang mga deboto sa Quirino Grandstand para pumila sa “Pahalik.”
Sinuspende ng pamahalaang lokal ng Maynila ang pasok sa lahat ng pribado at pampublikong paaralan sa lungsod sa Miyerkoles upang bigyang daan ang Traslacion.
Sinuspende na rin ng Korte Suprema ang trabaho sa lahat ng korte sa Maynila sa Miyerkoles.
Inilabas ng mga awtoridad ang listahan ng mga isasarang kalsada sa Maynila at mga alternatibong ruta para sa Traslacion.
Tinatayang milyon-milyong tao ang lalahok sa Traslacion ngayong taon.
Tumagal nang 22 oras ang paghahatid sa andas ng Itim na Nazareno mula Quirino Grandstand hanggang Quiapo Church noong isang taon.
(ABS-CBN News)