TABLADO ang rehiyon ng Bicol sa P46-B road user’s tax kapag natalo ang tatlong manok ni Pangulong Rodrigo Duterte sa 2019 senatorial derby.
Ito ang inihayag ng Pangulo sa post-disaster briefing noong Biyernes sa Camarines Sur na sinalanta ng bagyong Usman.
“I brought along my three candidates for senator,” anang Pangulo na ang tinutukoy ay sina dating Presidential political adviser Francis Tolentino, dating Special Assistant to the President Christopher “Bong” Go, at dating Bureau of Corrections chief Ronald dela Rosa.
“Ganito ‘yan (Albay Rep.) Joey (Salceda) e. ‘Pag matalo ‘yan sila, may three years pa ako.
“Oo. Kailangan ninyo ang pirma ko sa release. Nasa inyo ‘yan kasi puwede naman tayo magkaibigan, puwede naman tayong walang imikan. I’ve been used to it,” anang Pangulo.
Inihayag ng Pangulo ang balak niyang ilaan ang P46-B road user’s tax para sa flood control projects sa rehiyon.
“We use part of the money for the pressing problems of Bicol. It’s about P46 billion. I’m ready to spend the money for — to improve the topography of the place and make it safe for people to build houses or really just get out of those mountainous thing, especially if there’s a mine being operated behind, mahirap ‘yan,” anang Pangulo.
Ipinaalala ni Duterte ang paghimok sa kanya ni Salceda para suportahan ang isang Bicolanong kandidato noong sila’y kapwa kongresista pa.
Ipinahiwatig ng Pangulo na mananatiling mistulang lawa ang Bicol tuwing daraanan ng bagyo kapag hindi sinuportahan ang kanyang ‘drama.’
“Madala ako sa ‘drama’ mo, baka madala ko rin ka sa ‘drama’ ko. Lahat naman dito puwede naman kayo magpunta ng Malacañang pahingi-hingi. Lalo na ‘yang 46 billion na ‘yan. Kung — wala kayo sigurado. It will remain a lagoon for you to swim. Hindi na kayo magpunta ng dagat,” dagdag niya.
Kabilang sa mga dumalo sa post-disaster briefing ay sina Albay Rep. Joey Salceda, Camarines Sur 2nd District Rep. Luis Raymund Villafuerte, Albay Governor Al Francis Bichara, at Camarines Sur Governor Miguel Luis Villafuerte.
Batay sa ulat, ang Bicolandia ang ikalimang vote-rich region sa buong bansa.
(Rose Novenario)