GUSTO nang ipatigil ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang pag-iisyu ng Bureau of Immigration ng “permit to work” sa mga dayuhang gustong magtrabaho sa Filipinas.
Sa harap ito nang nadiskobreng paglobo ng bilang ng mga dayuhang nagtatrabaho sa bansa.
Sa press briefing sa Palasyo, sinabi ni Labor Secretary Silvestre Bello III, na umaabot na ngayon sa 115,000 ang mga dayuhang may taglay na alien employment permits.
Ayon kay Bello, malaking porsiyento o mahigit 50,000 ay pawang mga Chinese national.
Ang pagtatalaga aniya sa BI para mag-isyu ng alien employment permits ay ipinagkaloob dati ng mga naunang kalihim ng DOLE.
Sa ngayon ay hinihingi ni Bello ang resulta ng validation kung nakasusunod ba ang mga dayuhang manggagawa sa itinatakda ng labor laws ng bansa.
Kabilang aniya sa mga trabaho sa Filipinas na puwedeng maging basehan ng pag-iisyu ng AEP ay mga trabahong hindi kayang gawin ng mga ordinaryong manggagawang Filipino tulad ng pagiging interpreter, acupuncture at iba pang high skilled jobs.
(ROSE NOVENARIO)