HININGI ng House committee on rules ang tulong ng Philippine National Police (PNP) para padalahan ng subpoena ang contractor na CT Leoncio Construction at iba pang Department of Public Works and Highways (DPWH) officials sa Bicol region na kailangan magpaliwanag tungkol sa flood control scam at iba pang ‘maanomalyang’ mga proyekto sa Sorsogon.
Ayon kay House Secretary General Dante Roberto Maling, hiningi niya ang tulong ni PNP chief, Dir. Gen. Oscar Albayalde, para malaman kung saan dadalhin ang subpoena na inimbitahan sa pagdinig ng House Committee on Rules sa 3 Enero 2019 sa Naga City.
Kasama sa mga ipina-subpoena ay sina Consolacion Leoncio, may-ari ng CT Leoncio; at mga opisyal ng DPWH kasama sina Engrs. Virgilio Eduarte, Danilo Verzola, Ignacio Odiaman, Wilfredo Flores, Larry Reyes, Merla Raveche, Jorge Gorimbao, Victor Azupardo, Gil Augustus Balmadrid, Noland Claro Guerrero, Malou Lacuna, Renato de Vera, at Dr. Elenita Tan.
Ayon sa opisina ni House majority leader Rolando Andaya ang subpoena ay nasa PNP Region 5 na noong 20 Disyembre.
Inaasahan, anila, ang kooperasyon ng mga nabanggit na tao sa pagdinig dahil kung hindi, sila ay maaaring ipaaaresto.
“We also expect Ms. Leoncio and the DPWH officials to bring with them copies of transaction documents involving the infrastructure projects in question,” ani Andaya.
Kasama sa tatalakayin sa pagdinig ang P10-bilyones na infrastructure projects na ibinigay ng Department of Budget and Management (DBM) sa Sorsogon nitong 2018.
“Gusto rin namin malaman kung nagsimula na ang bidding para sa P325-milyong proyekto na pinondohan ng DBM sa taong 2019 para sa iisang bayan sa Casiguran, Sorsogon. These projects were included in the P75 billion inserted by the DBM in the NEP (National Expenditure Program) submitted to Congress,” ani Andaya.
Paliwanag niya ang P325-milyones para sa mga bagong proyekto para sa Casiguran ay parte ng Flood Control Program ng probinsiya. Kasama rito ang Himaoyon Flood Control (P75-M); Lungib Seawall and Embankment (P80-M); Somal-ot Seawall and Embankment (P100-M); Cagpagol River Control (P45-M); at Suji River Control (P25-M).
“Kailangan maipaliwanag sa amin ng DPWH kung bakit ‘bumabaha’ ng flood-control projects sa Casiguran, ang bayan ni Mayor Edwin Hamor na balae ng ating DBM Secretary,” diin ni Andaya.
ni Gerry Baldo