NAKAHINGA nang maluwag ang Los Angeles Lakers fans nang mabatid na hindi malala ang injury ng superstar at lider na si LeBron James.
Batay sa MRI exam, strained left groin ang nakadale kay James sa ikatlong kanto ng malaking 127-101 tagumpay nila kontra sa two-time NBA champion na Golden State Warriors nitong Pasko sa Oracle Arena.
Nasa day-to-day basis, inaasahang hindi maglalaro ngayon si James sa laban ng Lakers kontra Kings sa Sacramento.
“Dodged a bullet,” anang 4-time MVP na si James na nagtala pa rin ng 17 puntos, 13 rebounds at 5 assists sa 21 minutong aksiyon sa silat na panalo ng Lakers kontra Warriors.
Sa kabila nito, ito ang magiging unang pagliban ng laro ni James sa loob ng dalawang taon.
Naglaro ng 156 laro si James kasama ang playoffs simula noong huling regular season ng 2016-2017 season noong nasa Cleveland Cavaliers pa siya.
Huli naman siyang nagkaroon ng matagalang injury noong 2014-2015 season sa loob ng walong laro bunsod ng knee at back injury.
Bunsod nito, siguradong iindahin ng Lakers ang 27.3 points, 8.3 rebounds at 7.1 assists at kasalukuyang ikatlo sa NBA MVP rankings.
(JOHN BRYAN ULANDAY)