PATAY ang isang lalaki habang dalawa ang sugatan sa ikinasang operasyon nang pinagsanib na puwersa ng mga elemento ng Regional Drug Enforcement Unit ng National Capital Regional Police Office, Philippine Drug Enforcement Agency (RDEU-NCRPO-PDEA) at Makati City Police, laban sa umano’y isang grupo ng mga kriminal sa Brgy. Pio Del Pilar, Makati City, nitong Miyerkoles ng gabi.
Agad namatay sa insidente ang suspek na si Rolando Abundo alyas Bagyo sanhi ng mga tama ng bala sa iba’t ibang parte ng katawan.
Nilalapatan ng lunas sa Ospital ng Makati ang dalawang kasamahan ng suspek na sina Zea Xyrille Ramos at Susan Ramos, pawang nasa hustong gulang, sanhi ng mga tama ng bala sa katawan.
Samantala, arestado ang anim pang kasama nila na sina Rixon Pantoja, Zyvastian Ramos, Danilo Dy, Roy Protacio, Leonell Lumberio at Mark Greg Lajoy.Sinabi ni Makati City Police chief, S/Supt. Rogelio Simon, dakong 8:30 pm nang isagawa ang operasyon sa bahay ng kanilang target na si Abundo sa P. Taylo St., Barangay Pio Del Pilar ng lungsod.
Ayon kay Simon, isisilbi ang search warrant na inisyu ni Quezon City Executive Judge Cecilyn Burgos Villavert, ng mga elemento ng NCRPO at RDEU, laban kay Abundo ngunit biglang nagpaputok ang suspek kaya gumanti ang mga pulis na kanyang ikinamatay, habang sugatan ang dalawang kasama niyang babae at nahuli ang anim na iba pa.
(JAJA GARCIA)