ISA sa dalawang Filipino na sinabing sugatan sa insidenteng kinasasangkutan ng school bus sa Hong Kong, ay nakalabas na sa pagamutan, ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA).
Base sa ulat na nakarating sa DFA mula sa Konsulado ng Filipinas sa Hong Kong, puspusan ang pakikipag-ugnayan ng tanggapan sa dalawang nasugatang Filipino makaraan magkaaberya ang isang school bus sa North Point, Hong Kong nitong Lunes ng hapon.
Ipinaalam ni Consul General Antonio A. Morales sa DFA na na-discharge na sa ospital ang isang Filipino nitong Miyerkoles.
Patuloy na nagpapagaling sa pagamutan ang isa pang kababayan.
Ayon kay Morales, kapwa inaayudahan ng Konsulado ang dalawang biktima.
Nagpaabot ang opis-yal ng pakikisimpatiya sa mga pamilya ng apat na namatay sa nasabing insidente.
Sa ngayon ay inaalam pa ng mga awtoridad sa Hong Kong ang posibleng sanhi ng aberya.
(JAJA GARCIA)