CITY OF SAN JOSE DEL MONTE, Bulacan – Ipina-cremate na noong Sabado, 8 Disyembre, ang labi ng isang teenager na namatay sa hinihinalang sakit na meningococcemia disease makaraan bawian ng buhay noong Huwebes, 6 Disyembre.
Ang nasabing sakit ay ikinokonsiderang medical emergency.
Sa ulat ni Betzaida Banaag, city health officer, kinompirmang may namatay sa meningococcemia sa lungsod na isang 16-anyos estudyante ng Minuyan Elementary School, at pinagkalooban na ang prophylactic treatment ang 40 estudyante at 12 guro.
Kinompirma rin ni Dr. Jocelyn Gomez, provincial public health officer ng Bulacan, na ang city health officials ay nagsasagawa ng “contact tracing” sa lugar na madalas puntahan ng mga biktima.
“The provincial public health office has also been coordinating with the San Lazaro Hospital about the progress on the disease monitoring,” dagdag ni Gomez.
Ang meningococcemia ay “rare infection” na dulot ng Neisseria meningitidis bacteria. Ito ay kapareho ng bakterya na nagdudulot ng meningitis.
Kapag ang bakterya ay na-infect ang membranes na bumabalot sa utak at spinal cord, ito ay tinatawag na meningitis. Kapag nanatili ang impeksiyon sa dugo ngunit hindi ini-infect ang utak o spinal cord, ito ay tinatawag na meningococcemia.
(MICKA BAUTISTA)