EXCITED na si Direk Jun Robles Lana sa ididirehe niyang pelikula na pagbibidahan ni Sarah Geronimo, na makakatrabaho rin nila ang isang aso. Co-produce ito ng The IdeaFirst Company nina Direk Jun at Direk Perci Intalanat ng Viva Films.
“Sobra akong excited. It’s my first time to work with her. Exciting ‘yung gagawin namin. It’s also my first project for 2019. It’s exciting kasi ang dami naming pupuntahang locations,” sabi ni Direk Jun.
Nagkaroon na sila ng look test at story conference kamakailan. Kaya tinanong namin si Direk Jun kung ano ang naging impression niya kay Sarah nang magkaharap na sila para sa pelikulang ito na wala pang titulo. ”Napaka-humble, napakatahimik, pero oras na nasa harap na siya ng camera, she’s in character. Grabe ‘yung ibinibigay niyang energy. Nakagugulat siya.”
Nagsimula na rin sila ng iba’t ibang proseso at preparasyon bago pa sumalang sa first shooting day. ”Nagsisimula na kami ngayon kasi kailangan ng training, kailangan ng bonding ni Sarah at saka niyong dog. May mga immersion kami, may mga workshop kami. Mahaba ‘yung preparation kasi medyo mahirap ‘yung role ni Sarah. It’s a role na she has never done forever. By February start na ‘yung shoot namin. Sa iba’t ibang parts ng Luzon ‘yung shooting namin.”
Hindi pa puwedeng magbigay ng iba pang detalye si Direk Jun tungkol sa pelikula pero tinitiyak niyang kakaibang Sarah ang mapapanood dito. ”Right now, all I can share is it’s an exciting film. Ang pinapayagan lang akong i-share ay it’s a special role na dapat abangan. Kasi isa siyang role na hinding-hindi pa niya ginagawa. It’s also very challenging kaya talagang pinaghahandaan namin ‘yung pelikula.”
Samantala, masayang-masaya si Direk Jun pati na si Direk Perci dahil naging maganda ang 2018 para sa kanilang The IdeaFirst Company. Looking forward na si Direk Jun sa parating na 2019.
“Sabi ko nga kay Perci, 2019 is going to be a big year for IdeaFirst Company kasi we’re becoming more aggressive, we’re becoming more ambitious. Definitely, we want to do more projects, bigger projects, more commercial hits, more TV shows, everything. We’re building an empire.”
ni GLEN P. SIBONGA