NANGANGAMBA ang ilang grupo na magtaas ang presyo ng mga pangunahing bilihin matapos ianunsiyo ng pamahalaan na itutuloy ang dagdag sa excise tax ng langis sa 2019.
Bahagi ang dagdag-buwis sa ilalim ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Act.
Ayon kay Philippine Amalgamated Supermarkets Association president Steven Cua, ginagamitan ng trans-portasyon ang mga pangunahing bilihin tulad ng mga karne, gulay, at prutas kapag ipinadadala na ito sa mga pamilihan.
“For distributors, delivery, Christmas rush, traffic, difficulty in parking, and all those things na additional cost, incidental expenses ‘yan in delivering the goods to the supermarkets,” aniya.
“For the fresh produce ‘yun ang matatamaan, ‘yun malaki ang epekto noon… which supermarkets and markets also carry,” dagdag niya.
Hamon ni Cua, dapat ipakita ng pamahalaan na ginagamit ang buwis sa pagpapagawa ng impraestruktura.
Para kay United Filipino Consumers and Commuters president RJ Javellana, dagok ang ikalawang tranche ng excise tax sa mga konsumer dahil hindi pa sila nakababangon sa mga nagdaang taas-presyo.
Nanawagan din si Javellana na palitan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kaniyang economic managers.
Nitong Nobyembre, naitala ang pagbagal ng inflation, na nasa anim porsiyento mula 6.7 porsiyento noong Setyembre at Oktubre.
Nauna nang inianunsiyo na suspendido ang dagdag-buwis sa langis. Ngunit makaraan ang sunod-sunod na linggong rollback, napagpasyahan ng gobyerno na ituloy ang muling pagpataw ng dagdag fuel excise tax.