KUNG minsan, maniniwala ka talaga sa suwerte.
Sino nga naman kasi ang mag-aakalang sa isang iglap, babaliktad ang tadhana, at ngayon ay maaari pang makalusot si dating Senator Bong Revilla sa darating na May 2019 midterm elections.
Matapos makasuhan ng pandarambong at makulong, inakala ng lahat na tapos na ang political career ni Bong. Pero nang iabsuwelto ng Sandiganbayan nitong Biyernes sa kasong plunder, mukhang nag-iba ang ihip ng hangin!
Maraming political analyst ang nagsasabi ngayon na isa si Bong sa makapapasok sa magic 12 ng senatorial race.
Kaya nga, ‘umiiyak’ ngayon ang mga politikong nag-aambisyon maging senador lalo na ‘yung hirap na hirap na makapasok sa magic 12 o kaya kahit sa top 20 man lang ng mga senatorial survey. Lalo kasing naging mahigpit ang labanan matapos ‘pumutok’ ang pangalan ni Bong dahil na rin sa kanyang pagkakaabsuwelto.
Kung tutuusin, wala nang bakante sa 12 puwestong pinag-aagawan ng senatorial aspirants. Nakalaan na kasi ito sa reelectionist senators at mga nagbabalik-Senado na siyang pupuno sa 12 mababakanteng puwesto sa Senado na bubuo ng 18th Congress.
At kung inaasahan, muling mahahalal ang mga reelectionist gaya nina Grace Poe, Cynthia Villar, Nancy Binay, Koko Pimentel, Sonny Angara, JV Ejercito, Bam Aquino, isama pa ang mga nagbabalik na mga senador tulad nina Juan Ponce Enrile, Mar Roxas, Serge Osmena, Lito Lapid, Jinggoy Estrada at Pia Cayetano, aabot na agad ito sa 13.
Kung tutuusin, 14 sila na maituturing na llamado sa senatorial race dahil sa pagpasok ni Bong sa eksena. Nangangahulugang, super sikip ang senatorial race lalo na para sa mga ngayon pa lang nag-aambisyong maging senador.
Tiyak na labo-labo ang mangyayari kina former PNP Chief Ronald “Bato” dela Rosa, former Special Assistant to the President Bong Go, former MMDA chairman Francis Tolentino, former Presidential Spokesman Harry Roque at Ilocos Norte Governor Imee Marcos.
Kung mabigat ang laban ng mga nagbabalik na mga senador lalo naman siguro sa mga politikong ngayon lang magtatangkang maging senador. Dito masusukat ang haba ng kanilang ‘pisi’ kabilang na ang lawak ng kanilang makinarya at organisasyon. Sabi Sabi nga, kahit butas ng karayom ay kanilang papasukin manalo lang sa eleksiyon.
Pero hindi malayong magbago pa ang senatorial race standing habang papalapit ang halalan. Inaasahang makapapasok si Bong sa magic 12 at marami rin naman dito ang malalaglag at mapapalitan ng iba pang senatorial candidates.
At sa mga kandidato naman ng oposisyon ni dating Pangulong Noynoy Aquino, maliban nga kay Mar, huwag na nating asahan pang makapapasok sila sa magic 12 dahil nakatitiyak tayo na sa kangkungan sila dadamputin sa araw ng eleksiyon.
SIPAT
ni Mat Vicencio