BINAWI ng administrasyong Duterte ang naunang pahayag na suspendehin ang dagdag na buwis sa langis sa susunod na taon.
Sa ipinatawag na press briefing ng Department of Finance, inianunsiyo ni Finance Secretary Carlos Dominguez na itutuloy na ang pagpapataw ng dagdag na dalawang piso sa kada litro ng langis simula Enero 2019.
Katuwiran ni Dominguez, hindi nakikita ng Development Budget Coordinating Committee (DBCC) na may pangangailangan pang ipatupad ang suspensiyon ng pagbubudahil patuloy na bumababa ang presyo ng langis sa pandaigdigang pamilihan.
Binigyang diin ni Dominguez, dapat maunawaan ng publiko na ang pangongolekta ng pamahalaan ng dagdag na buwis sa langis ay hindi dahil gusto lang nilang mang-inis ng mamamayan, kundi para pasiglahin ang ekonomiya at ipantustos sa mga proyekto ng gobyerno na pakikinabangan ng mayorya ng mga Filipino.
Ikinonsidera rin aniya ng DBCC ang matinding epekto sa kita at gastusin ng gobyerno para sa fiscal year 2019, kung itutuloy ang suspensiyon ng dagdag-buwis sa produktong petrolyo.
Ayon kay Dominguez, kapag itinuloy ang suspensiyon sa pagpapatupad ng TRAIN Law sa langis sa susunod na taon, magreresulta ito sa net revenue loss o pagkalugi ng P43.4 bilyon para sa 12 buwang panahon, sakaling ipalagay na ang average na presyo ng Dubai crude oil ay bababa a sa 65 dollars kada bariles sa 2019.
ni ROSE NOVENARIO