SUMUKO ang pitong pulis nitong Huwebes sa Las Piñas City, na umano’y nangikil noong nakaraang linggo sa kaanak ng isang drug suspect.
Isinailalim ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa restrictive custody sina PO3 Joel Lupig, PO2 Vener Guanlao PO2 Jayson Arellano, at PO1 Raymart Gomez, PO1 Ericson Rivera, PO1 Mark Fulgencio at PO1 Jeffrey de Leon, habang nahaharap sa mga kasong kriminal at administratibo.
Sinabing nangikil ang pito ng P200,000 mula kay alyas Vinet kapalit ng kalayaan ng kapatid nitong si alyas Vic.
Napag-alaman hinuli at ginulpi umano ng mga pulis noong 20 Nobyembre si Vic dahil sa pagbebenta ng isang kilo ng marijuana.
Dahil sa insidente, sinibak ng NCRPO ang hepe ng Las Piñas police at 36 iba pang miyembro ng drug enforcement unit.
Hinikayat ni NCRPO chief, Director General Guillermo Eleazar ang sino mang naging biktima ng pang-aabuso ng mga pulis sa Metro Manila, na magsumbong sa kanila para maaksiyonan.
Bahagi ito ng internal cleansing program ng Philippine National Police, ani Eleazar.