PATAY ang presidente ng homeowners association at dalawang opisyal ng isang samahan makaraang pagbabarilin ng apat hindi kilalang mga suspek sa Malabon City, kamakalawa hapon.
Agad namatay sa pamamaril ang mga biktimang sina Marcos de Leon, 51, presidente ng Flovihomes Homeowners Association ng Brgy. Tonsuya, at Eduardo Esternon alyas Mico, nasa hustong gulang, adviser ng Arya Progresibo, residente sa Dulong Hernandez, Brgy. Catmon.
Habang hindi umabot nang buhay sa Ospital ng Malabon, ang isang pang biktimang kinilalang si William Mortar, 63, organizer ng naturang samahan at residente sa Barrio Mayamot, Antipolo City.
Kaugnay nito, iniutos ni Malabon police chief, S/Supt. Jessie Tamayao sa kanyang mga tauhan ang follow-up investigation hinggil sa insidente upang matukoy ang pagkakilanlan ng mga suspek.
Lumabas sa imbestigasyon nina SPO1 Alexander Dela Cruz at PO3 Roldan Angeles, dakong 12:25 pm, nasa loob ng bahay ni Esternon ang mga biktima at pinag-uusapan ang nalalapit na selebrasyon ng Arya Progresibo sa 30 Nobyembre, nang biglang pumasok ang apat armadong mga suspek at sila ay pinagbabaril.
Makaraan ang pamamaril ay mabilis na tumakas ang mga suspek sa hindi natukoy na direksiyon.
Nitong nakaraang Linggo, pinagbabaril din at napatay ng dalawang hindi kilalang suspek sa Dulong Hernandez ang isang kagawad ng Brgy. Catmon na si Rodrigo Tambo, lider ng Arya Progresibo.
Patuloy ang masusing imbestigasyon ng pulisya upang matukoy tunay motibo sa insidente.
(ROMMEL SALES)