NAUPO na bilang bagong director ng Bureau of Corrections (BuCor) kahapon si dating Bureau of Customs (BoC) Commissioner Nicanor Faeldon at inihayag na sa susunod na tatlong taon ay tatanggalin na ang New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City.
Sinabi niya ito sa harap ng mga kawani ng BuCor nang dumalo siya sa kanyang unang flag ceremony.
Aniya, ang pagliilpat ng NBP mula sa Muntinlupa City ay bilang bahagi ng modernization program ng gobyerno para sa naturang bilangguan.
“I’m telling you this, as directed by the President and as mandated by the Bucor Modernization Act of 2013 we have to move this out, we have to move the facilities out,” ani Faeldon.
Ayon kay Faeldon, ang nasa 300 ektaryang pasilidad na iiwan ng NBP ay magiging commercial business district.
“This is a very expensive property that the Philippine government can use to generate funds so the requirements set by BuCor can be sustained by itself,” ayon sa bagong talagang BuCor director.
Nakatakda ang relokasyon ng pasilidad at ang mga bilanggo ng NBP ngunit hindi muna niya binanggit kung saang lugar.
(JAJA GARCIA)