MATATANGGAP na ng mga kawani ng gobyerno sa buong bansa simula ngayon, ang kanilang 14th month pay o year-end bonus, maging ang kanilang cash gift.
Ang year-end bonus ay katumbas ng isang buong suweldo ng mga kawani habang ang cash gift ay P5,000.
Sinabi ni Budget Secretary Benjamin Diokno, ang year-end bonus at cash gift alinsunod sa budget circular no. 2016-4, ay dapat ibigay simula sa 15 Nobyembre.
Samantala, ang 13th month pay at iba pang benepisyo, kabilang ang productivity incentives at Christmas bonuses, ay exempted sa tax kung hindi ito lalagpas ng P90,000 batay sa Republic Act 10963 o TRAIN law.
Para sa taong ito ng 2018, naglaan ang DBM ng kabuuang P29.7 bilyong pondo para sa year-end bonus ng civillian personnel at panibagong P6.5 bilyon para sa military at uniformed personnel (MUP)
Samantala, naglaan din ang DBM ng P5.6 bilyon para sa P5,000 cash gift ng civilian personnel at P1.7 bilyon para sa cash gift ng MUPs.
Bukod sa mga bonus na ito, sinabi ni Diokno na asahan pa ng mga kawani ang matatanggap na productivity enhancement incentive na ipalalabas ng DBM simula 15 Disyembre.
(ROSE NOVENARIO)