ARESTADO sa mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang aktres at komedyanteng si Keanna Reeves dahil sa reklamong cyber-libel, nitong Lunes.
Ayon kay C/Insp. Cyrus Serrano, hepe ng CIDG sa Laguna, inaresto si Reeves, Janet Derecho Duterte sa tunay na buhay, sa Scout Ybardolaza, Quezon City, sa bisa ng warrant of arrest na ipinalabas ni Judge Maria Florencia Formes-Baculo ng Laguna Regional Trial Court Branch 34.
Inireklamo si Reeves ng isang bar owner na pinagsalitaan daw niya ng mga negatibong bagay sa social media, ayon kay Serrano.
Makaraan madakip, dinala ang aktres sa Criminal Investigation and Detection Group Regional Office sa Laguna para sa kaukulang pagproseso sa kaniyang pagkakaaresto.
Nagrekomenda si Judge Baculo ng P200,000 piyansa para sa pansamantalang kalayaan ni Keanna.
Si Reeves ang itinanghal na big winner ng “Pinoy Big Brother: Celebrity Edition” noong 2006.
Noong nakaraang weekend, lumabas si Reeves sa “Pinoy Big Brother: Otso” bilang isa sa mga dating nanalo sa reality show na pumili sa ilan sa mga bagong housemate.