NAKAHUHUGOT-TILI at palakpakan naman pala ang manood ng concert nina Kuh Ledesma at Christian Bautista. After all, baka hindi naman kayang awitin ngayon ng mga batang singer ang mga kanta nina Barbra Streisand, Josh Groban, at mga komposisyon ni Michel Legrand. Kuh & Christian Sing Streisand, Groban, and Legrand ang titulo ng concert na idinaos sa The Tent at Solaire.
Iba ‘yon sa The Theater at Solaire. Bagong tayo lang ang The Tent, sa labas ng The Theater. Bale sina Kuh at Christian ang nagpasinaya ng The Tent bilang latest entertainment venue ng Solaire na ang artistic director ay si Audie Gemora, the much admired theater actor-director.
Kabilang sina Streisand at Groban sa birit idols ng naunang panahon. Mas relaxed, mas suwabe ang birit nila. Noong October 20 ang concert nina Kuh at Christian, at noong gabing ‘yon ay first night naman ng 40th anniversary concert ni Lea Salonga sa PICC Plenary Hall. Masasabing birit idol din si Lea sa estilo nina Kuh at Christian. Birit na ‘di matiliin. Pinong birit, ‘di nakatutulig.
Tinupad naman, parehong Born Again Christian noong press conference para sa concert nila na ‘di nila gagawing religious ang show nila.
Sinimulan ni Kuh ang pagtatanghal sa pagbanat ng masiglang Main Event (Fight) mula sa romantikong pelikulang Main Event nina Barbra at Ryan O’Neal. Sinundan n’ya ‘yon ng Evergreen na isa si Barbra mismo sa lumikha para sa bersiyon nila ni Kris Kristofferson ng A Star is Born noong 1974. Alam n’yo bang natakot si Lady Gaga na i-match ang tindi ni Barbra sa kantang ‘yon? Natakot siya kaya wala ‘yon sa A Star is Born n’ya na isang beses pa lang naipalabas dito sa atin bilang opening film ng halos katatapos lang na 2018 Cinema One Originals festival.
Sinundan ni Kuh ang Evergreen ng isa pang kanta mula sa pelikula ni Barbra: ang The Way You Make Me Feel mula sa pelikulang Yentl, at komposisyon ‘yon ni Legrand. ‘Di lang mga romantikong kanta ang nililikha ni Legrand kundi pati na ‘yung may pagka-philosophical. Para iparamdam ni Kuh sa audience ang versatilty ni Legrand, kinanta rin n’ya ang What Are You Doing the Rest of Your Life?
Tapos, biglang sumulpot sa entablado si Christian, nagtsikahan sila ng kaunti, at nag-duet ng I Finally Found Someone na identified kina Barbra at Bryan Adams. Relaxed naman sila sa pagdu-duet. Sanay si Kuh na may kasamang kumakanta dahil galing siya sa bandang Ensalada.
Matagal nang tanggap ng madla si Christian bilang ang Pinoy version ni Josh Groban na baritone ang boses kaya operatic ang dating. Agad bumanat ang guwapong singer ng magkasunod na kanta ni Josh, pati na ‘yung cover versions n’ya: You Are Loved, You Raised Me Up, Vincent (cover), at Send in the Clowns.
Ganoon ang pattern ng show: dahil mas senior si Kuh, lagi siyang nauuna. Well-maintained ang katawan at kutis ni Kuh, kaya mahirap tantyahin kung gaano ba kalaki ang agwat ng mga edad nila. Hindi ipinagbabawal sa mga Born Again Christian ang pagdulog sa mga espesyalista para mapanatili ng kanilang kalusugan at batang hitsura!
Kabilang sa mga solo at duet nina Kuh at Christian na ikinatili at pinalakpakan nang husto ay ang Windmills of Your Mind (ni Legrand), Memories, How Do We Keep the Music Playing, The Way We Were, You’re Still You, The Prayer, Till I Met You?, People, Somewhere.
Dahil may cover versions naman si Josh ng Music of the Night (mula sa Broadway musical na Phantom of the Opera) at God on High (mula sa Les Miserables), inawit din ang mga ‘yon ni Christian. Warm naman sa isa’t isa sina Kuh at Christian. Nagtsitsikahan din naman sila bago kumanta. (At may costume changes din sila sa concert na ‘yon na tumagal ng dalawang oras.)
Marami sa mga kinanta nila ang ‘di maririnig sa ibang concerts dahil maraming singers ang ‘di kayang kantahin ang mga ‘yon—lalo na kung sunod-sunod na gaya ng ginawa nina Kuh at Christian.
Oo nga pala, may surprise guest sa show: ang anak ni Kuh na si Isabella na kumanta ng napakasiglang Don’t Rain on My Parade ni Barbra. Pangalawang beses pa lang namin napapanood si Isabella mula noong teenager pa lang siya. At ang husay-husay na pala n’ya ngayon. Parang wala na siyang kanerbiyos-nerbyos sa pagkanta!
Ini-announce nga ng kanyang ina na malapit na ring mag-solo concert si Isabella. At sana, kundi sa The Theater ng Solaire idaos ang solo concert ni Isabella, sana ay doon sa bagong The Tent na komportableng-table din namang pagtanghalan. Sa concert nina Kuh at Christian, maliit lang ‘yung stage. Ang kasya lang ay ang band, ang back-up singers, at sina Kuh at Christian. Dahil nga ‘di naman kapiranggot na espasyo lang ang The Tent, siguradong pwede ring maglagay ng mas malaking entablado roon para sa isang concert na nangangailangan ng back-up dancers at physical set/backdrop. (Actually, ang uso ngayon ay mga backdrop na video and graphic projections lang.)
KITANG-KITA KO
ni Danny Vibas